Tinatayang nasa 100 milyung pisong halaga ng shabu at mga armas ang nakumpiska ng Ozamis PNP sa magkakasabay na raid sa tahanan ng mga hinihinalang supporters ng pamilya Parojinog sa Ozamis City, Misamis Occidental.
Ayon kay Ozamis City Chief of Police Chief Insp. Jovie Espenido, ang mga kontrabando ay nakumpiska sa bisa ng isang search warrant na ipinalabas ng korte.
Nahuli sa operasyon sina Melodin Malingin at Gaudencio Malingin, matapos makuha sa kanilang bahay ang walong plastic bags na may lamang 8 kilo ng hinihinalang shabu, at isang rolyo ng aluminum foil.
Nakuha naman sa bahay ng isang Michael Parojinog Gumapac, ang dalawang plastic bag na may lamang 2 kilo ng hinihinalang shabu.
Samantala, sa bahay nina Manuelito, Rizalina at June Francisco na nakatakas rin, nakuha naman ang isang M-4 Boost Master, 3 short M-16 magazines, isang bandolier, 90 piraso ng bala ng M-16, 2 rifle grenade launcher, at 3 bala ng m-203 grenade.
Sa bahay naman ni Ricardo Parojinog, isang M-16 rifle, isang 1 steel short magazine, 19 na bala ng baril, at isang hand grenade ang narekober.
Isinagawa ang operasyon pasado alas-diyes kagabi.