Sinabi ito ni Alvarez dahil ipinagtataka nito kung bakit hindi pa rin nakakabili at nakapaglalabas ng license plates para sa mga bagong sasakyan ang LTO.
Sa pagharap ng kinatawan ng LTO na si Atty. Jane Leynes sa pagdinig sa Kamara, sinabihan siya ni Alvarez na tiyaking makakarating kay Galvante ang kaniyang mensahe.
Giit ni Alvarez, isa’t kalahating taon nang nasa pwesto si Galvante ngunit hindi nito naresolbahan ang simpleng problema tulad nito.
Dagdag pa ng mambabatas, nanilbihan din siya bilang transportation secretary noong administrasyong Arroyo, at sa tingin niya, hindi naman masyadong mahirap ang nasabing problema.
Ipinapahiya lang aniya ni Galvante si Pangulong Rodrigo Duterte na nangakong sosolusyunan ang problemang ito noong kasagsagan ng kaniyang pangangampanya.
Kaya naman hinimok na lang niya si Galvante na mag-bitiw na sa pwesto upang makapagtalaga ang pangulo ng taong kayang gawin ang trabahong ito nang mas maayos.
Katwiran ni Leynes, walang pondong inilaan sa LTO para sa pagbili ng mga license plates noong nakaraang taon at ngayong taon.
Gayunman, tiniyak niyang bibili na sila ng license plates pagsapit ng unang quarter ng 2018.
Pero hindi kinagat ni Alvarez ang katwirang ito dahil iginiit niyang maari namang i-realign ng LTO ang ilang pondo nito at sana ay nagsumite na lang ang ahensya ng request sa Kamara dahil tiyak namang susuportahan nila ito.