Sa loob ng 48 hanggang 72 oras, inaasahang magbubunga na ng magandang resulta ang mga lead na nakalap ng Lapu-Lapu City Police sa pangunguna ni Sr. Supt. Armando Radoc.
Sa panayam sa Radyo Inquirer, sinabi ni Radoc na hinahabol na nila ang mga posibleng suspek sa pagpatay sa 17 anyos na estudyanteng si Karen Kaye Montebon sa kanilang bahay sa Lapu-Lapu City.
Inamin ni Radoc na hindi pa nila tukoy ang mismong kinaroroonan ng suspek pero aniya, kagabi ay nakatakda nilang makausap ang isang testigo na mariing makapagtuturo sa suspek.
Nang tanungin naman si Radoc kung may kinalaman ang isang babae at isang lalaki na namataang kumakatok sa bahay ng biktima ilang oras bago maganap ang krimen, tinitingnan pa rin nila ang posibilidad nito bagaman napag-alaman nila na kakilala ang mga ito ng biktima kaya sila kumakatok para makapasok.
Samantala, batay na rin sa kanilang imbestigasyon, may indikasyon na maaaring kakilala ng biktima ang pumatay sa kaniya.
Matatandaan namang pumunta sa pulisya ang nasabing lalaki at babae na kasama sa isinasagawang manhunt ng mga pulis, para linawin ang kanilang mga pangalan na nadadawit ngayon sa kaso.
Ayon sa lalaki, hindi siya ang nakita ng isang testigong kapitbahay ng biktima na nagmaneho ng isang motorsiklo kasama ang isang babae na kumatok sa bahay nina Montebon ilang oras bago mangyari ang krimen.
Nilinaw niya na dati niyang live-in partner ang babaeng hinihinalang suspek pero naghiwalay na sila noong Sept. 1 pa kaya imposibleng siya ang kasama nito.
Pagkatapos nito ay pumunta rin ang nasabing babae sa istasyon ng pulis para linawin din ang kaniyang pangalan na nadadawit sa kaso at igiit na wala siyang kinalaman dito.
Pinatunayan naman ng kapitbahay nina Montebon na hindi iyon ang babaeng nakita niyang kumakatok sa bahay ng biktima. Pareho nang naklaro sa kaso ang dalawa.