Diktadurya, at hindi demokrasya ang itinataguyod ni Duterte – Renato Reyes

By Mariel Cruz December 06, 2017 - 11:44 AM

Tila hindi demokrasya, kundi diktadurya ang nakikita ni Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN Secretary General Renato Reyes na itinataguyod ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Reyes na ang mga hakbang ngayon ng kasalukuyang administrasyon ay tila isang pag-atake sa freedom of speech dahil marami na aniyang gustong patahimikin.

“This is an attack against freedom of speech, right to organize, this is an attack on dissent, marami ho ang gustong patahimikin,” ani Reyes.

Ayon kay Reyes, kung talagang nais ng pamahalaan na maitaguyod ang demokrasya, dapat ay inirerespeto ang karapatan ng bawat isa na magpahayag.

“Kung talagang gusto nilang magtaguyod ng demokrasya, dapat inirerespeto ang karapatang mag-organisa, karapatang magpahayag, at hindi dapat kini-criminalized, hindi dapat ginagawang krimen ang pag-iisip o kumbaga yung political thought. Hindi yun pwedeng i-criminalized. All these things, pagtinignan mo nga, it’s going in the direction of a dictatorship, na parang ayaw na nilang makita na may mga bumabatikos o tumutuligsa,” dagdag pa ni Reyes.

Pero ang nangyayari aniya, papunta na ang pangulo sa direksyon ng pagiging isang diktador dahil tila ayaw ng administrasyon na makakita ng mga bumabatikos o tumutuligsa sa paraan ng kanyang pamumuno.

Inihalimbawa pa ni Reyes si PISTON National President George San Mateo na hinarang at inaresto sa entrada ng korte gayung magbabayad na ito ng kanyang piyansa.

Hindi aniya tama ang naging proseso ng pang-aaresto kay San Mateo, na malinaw naman sa grupong PISTON na pangha-harass.

Binanggit din ni Reyes na nagbago na ang tono ni Pangulong Duterte sa ilang isyu partikular na sa usapang pangkapayapaan.

Nakadagdag pa aniya siguro sa pagbabago ng isip ng pangulo ang mga napag-usapan o napagkasunduan nila ni US Pres. Donald Trump.

“Huli kaming nagkita ng pangulo medyo nag-iba na ang kanyang tono sa ilang isyu. Very telling kasi nga he had a very long relationship with the progressive groups and even with the revolutionary movement in Mindanao. Siguro mga 30 years silang magkakakilala doon,” ayon kay Reyes.

Matatandaang kinansela na ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.