‘Less bloody’ na war on drugs, paiiralin ng PNP

File photo | Inquirer

Magiging mas maingat na ngayon ang Philippine National Police sa paglulunsad ng mga anti-drug operations sa bansa.

Ayon kay PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, gagawin ito ng kanilang hanay para maaresto ang mga drug suspek nang buhay pa.

Nais aniya ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na maging ‘less bloody’ ang war on drugs sa kamay ng pambansang pulisya.

Bukod dito, mas paiigtingin din ng PNP ang internal cleansing para mapigilan ang mga pulis na matitigas ang ulo sa pananabotahe sa kampanya kontra iligal na droga.

Nilinaw din ni Carlos na tanging ang PNP Drug Enforcement Group lamang ang maaaring magkasa ng anti-drugs operations.

Inatasan din aniya ang mga tauhan ng PNP-DEG na magsuot ng body cameras para maiwasan ang mga iregularidad na alegasyon.

Kahapon, isinama muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP sa mga ahensya na namumuno sa war on drugs.

Read more...