Sumalakay muli ang Anonymous Philippines, ang grupo ng mga hacker na pinapasok ang mga government website at ipinapaskil ang kanilang mga hinaing kontra sa pamahalaan.
Sa pagkakataong ito, mismong ang website ng National Telecommunications Commission o NTC ang na-hack ng grupo at pinalitan ang webpage ng kanilang pagkondena sa mabagal na internet connection sa Pilipinas.
Sa halip na ang homepage ng NTC ang makikita, isang itim na larawan na may logo na ginagamit ng grupo at ang imahe ng karakter sa “V for Vendetta” ang makikita ngayon sa site ng komisyon.
Laman din ng website ang pagpapahayag ng simpatiya ng grupo sa mga Pinoy netizens dahil sa hindi umano natupad na mga pangako ng mabilis na serbisyo ng mga internet sevice providers at pagkondena sa mahal na singil ng mga ito.
Giit din ng Anonymous Philippines sa NTC na magpatupad ng mga alituntunin sa patas na pagsingil sa mabagal na serbisyo ng mga ISP sa bansa.