Ito ang naging pahayag ni Joint Task Force Sulu commander Brigadier General Cirilito Sobejana matapos daluhan ang disaster and command briefing sa Camp Aguinaldo.
Ani Sobejana, nagiging desperado na ang mga bandidong Abu Sayyaf at kasalukuyan nilang tinatarget ang mga mahihirap sa Sulu para sa kanilang kidnapping activities.
Nawawalan na rin aniya ng suporta mula sa mga lokal na komunidad ang mga bandido, kagaya na lamang ng engkwentrong naganap sa pagitan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Abu Sayyaf noong Lunes.
Aniya, 17 sa mga bandidong sumali sa ISIS-inspired Maute terror group ang napatay sa bakbakan sa Marawi City; habang mayroong pang nasa 400 na mga miyembro ng Abu Sayyaf ang nasa Sulu sa pamumuno ni Radullan Sahiron.
Ayon pa kay Sobejana, magpapatuloy ang kanilang opensiba laban sa mga bandido ngayong kapaskuhan dahil kailangan pa nilang mailigtas ang pitong banyaga at apat na mga Pilipinong bihag ng mga ito.