Deklarasyon na terorista ang CPP-NPA, dapat idinaan sa legal na proseso – Lacson

Hinimok ni Sen. Panfilo Lacson si Pangulong Rodrigo Duterte na idaan sa legal na proseso ang pagdedeklara sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) bilang mga teroristang grupo.

Ayon kay Lacson, para magawa ito, kailangan munang harapin ang “legal issue of proscription” sa halip na basta na lang paglagda sa isang proklasmasyon tulad ng ginawa ng pangulo.

Ipinaliwanag ng senador na sa ilalim ng Human Security Act, dapat ay dinala muna ng Department of Justice (DOJ) sa regional trial court ang isyu.

Nakasaad kasi aniya sa Section 17 ng nasabing batas na DOJ ang gagawa nito upang sa regional trial court na ang magbibigay ng due process tulad ng due notice at right to be heard sa panig ng CPP-NPA bago sila tuluyang naideklarang mga terorista.

Sa pag-anunsyo ni Roque tungkol sa paglagda ng pangulo sa nasabing proklamasyon, sinabi rin niya na naatasan na si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na maghain ng petisyon sa RTC sa Maynila upang opisyal na maideklarang terorista ang CPP-NPA.

Kaugnay nito, nagbabala si Roque na sinumang mahuhuling nagpopondo o sumusuporta sa CPP-NPA ay pananagutin na sa batas.

Read more...