Papayagan na ng Department of Energy (DOE) na magpatuloy sa kanilang hanap buhay ang mga tingi kung magtinda ng gasolina kung susundan ng mga ito ang tuntunin na inilatag ng kagawaran.
Ayon kay DOE Secretary Alfonso Cusi, kailangang pasok sa standards ng kagawaran ang mga containers na paglalagyan ng gasolina.
Aniya, kailangan ring rehistrado sa DOE ang mga magtitinda ng gasolina at dapat mayroon silang hawak na kaukulang business permit.
Ang naturang hakbang ay paraan ng kagawaran para mabawasan ang mga nagbebenta ng produktong petrolyo na nakalagay lamang sa mga bote ng softdrinks na mas kilala sa tawag na ‘bote-bote’.
Ani Cusi, hindi tama at hindi ligtas na kung saan-saan lamang nakalagay ang mga produktong petrolyo kaya nagtakda na sila ng standards sa mga containers para sa mga vendors.
Taong 2003 pa nang maglabas ang DOE ng Memorandum Circular No. 2003-11-010 na nagbabawal sa pagbebenta ng gasolina o iba pang mga produktong petrolyo sa mga bote dahil sa peligrong dulot nito sa kalusugan at kalikasan.