WHO, walang ibinigay na rekomendasyong gamitin ang Dengvaxia

Nilinaw ng World Health Organization (WHO) na wala itong ibinigay na rekumendasyon para sa alinmang bansa na gamitin ang Dengvaxia para sa kani-kanilang immunization programs.

Sa isang pahayag, sinabi ng WHO na hindi nakasaad sa position paper na inilabas noong Hulyo ng nakaraang taon na pwede nang gamitin para sa national immunization programs ang naturang anti-dengue vaccine.

Ayon pa sa WHO, naunang inilunsad ng Department of Health (DOH) ang anti-dengue vaccination program nito sa mahigit 733,000 na mga mag-aaral sa pamgpublikong paaralan bago pa naglabas ng abiso ng WHO kung pwede na talaga itong gamitin.

Paglilinaw pa ng WHO, tanging ang nakasaad lamang sa kanilang position paper ay ang mga konsiderasyon ng mga pamahalaan bago nila gamitin ang Dengvaxia, batay sa mga datos nilang hawak, maging ang mga panganib sa paggamit nito.

Kabilang sa mga konsiderasyon ang, paggamit ng bakuna sa mga lugar kung saan mayroong mataas na bilang sa komunidad na nagka-dengue na, pagbibigay ng bakuna sa mga edad 9 na taong gulang pataas, at pagbibigay ng tatlong dose ng bakuna sa bawat isang tao.

Ayon pa sa pahayag ng WHO, noong April 2016 ay tila pasok naman sa mga naturang konsiderasyon ang Pilipinas.

Gayunpaman, sinusuportahan ng WHO ang desisyon ng DOH na suspendihin muna sa ngayon ang nationwide anti-dengue vaccination program.

Read more...