Holiday ceasefire sa NPA, malabo na – Lorenzana
Nanindigan si Defense Sec. Delfin Lorenzna na hindi niya irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng tigil-putukan sa mga rebelde ngayong nalalapit na holiday season.
Matatandaang taun-taon nagdedeklara ang pamahalaan ng tigil-putukan laban sa mga miyembro ng New People’s Army sa kasagsagan ng Kapaskuhan at Bagong Taon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga rebelde at mga sundalo na ipagdiwang ito kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
Ngunit malabo na itong mangyari ngayong taon matapos tuluyang kanselahin na ni Duterte ang peace talks sa mga komunistang rebelde dahil sa patuloy na panggugulo ng kanilang mga miyembro sa mga komunidad.
Ayon kay Lorenzana, hindi na niya sasabihin kay Duterte na magpatupad ng unilateral ceasefire sa NPA na armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Naniniwala kasi ang kalihim na oras na suspindehin ang mga operasyon ng militar laban sa mga rebelde, maaring malamangan sila ng mga NPA sa bakbakan.
Dagdag pa ni Lorenzana, maari namang putulin ng pamahalaan ang tradisyon o nakagawian tulad na lamang ng Christmas ceaseifre.
Katwiran pa ng kalihim, hindi niya basta-bastang ipahihinto ang mga operasyon lalo na’t nagbilin sa kanilang mga tauhan ang mga NPA copmmanders na paigtingin ang pag-atake laban sa mga pwersa ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.