Magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia, hinimok na sama-samang lumantad
Hinikayat ng health advocate na si Dr. Anthony Leachon ang lahat ng magulang ng mga batang nabakunahan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia na sama-samang lumantad at ilahad ang kanilang pangamba.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Leachon na dating pangulo ng Philippine College of Physicians Foundation na dapat magtungo ang mga magulang sa Volunteer’s Against Crime and Corruption (VACC).
Ito ay para matulungan sila ng grupo para sa susunod na hakbang partikular kung nais nilang magsulong ng mass action.
Nabagabag si Leachon sa aniya ay tila pag-downplay ng pamahalaan at mismong ng Sanofi Pasteur sa “severe dengue” na maaring dumapo sa batang naturukan ng Dengvaxia na hindi pa nagpo-positibo o tinatamaan ng dengue.
“Bakit dina-downplay ngayon na hindi severe? eh sila ang nagsabi na severe. Sa Sanofi nanggaling ang severe? Bakit ngayon dina-downplay?,” ani Leachon.
Ipialiwanag ni Leachon na ang worst case scenario ay ang mga batang zero negative na nabakunahan ng Dengvaxia ay maaring magkaroon ng severe na dengue sa susunod na tatlo hanggang 5 taon matapos maturukan.
Ang nakalulungkot pang katotohanan, ang “severe dengue” ay nakamamatay.
Sinabi ni Leachon na dahil wala man lamang blueprint ang Department of Health (DOH) sa kung sino-sinong mga bata ang tumanggap ng bakuna ay dapat mismong ang mga magulang na ang kumilos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.