Desidido ang isang babae na sampahan ng kaso ang kaniyang kinakasama sa loob ng 20-taon na si Emmanuel Villadelgado matapos siyang tutukan ng baril sa loob ng kanilang bahay sa isang high-end village sa Fairview, Quezon City.
Kwento ng biktima, maayos naman ang kanilang relasyon ni Villadelgado.
Ngunit kapag naiimpluwensyahan ito ng alak ay lagi siyang tinututukan siya ng baril at pinagbabantaan na papatayin.
Ayon pa sa biktima, nagkaroon ng isang pagkakataon na dinuraan siya sa mukha ni Villadelgado.
Napilay pa ang biktima dahil sa kaniyang pagtalon papunta sa kabilang bahay kasama ang anak para lang matakasan ang kinakasama.
Matapos nito ay dumulog ang biktima sa Quezon City Police District Station 6 na pumunta sa kanilang bahay para lang sana imbitahan si Villadelgado sa himpilan ng mga pulis.
Ngunit pagdating sa bahay ay nagtangka pang manlaban ang suspek.
Natuklasan naman ng mga otoridad sa bahay ng suspek ang mga baril kabilang ang isang Bush Master, dalawang long rifle, apat na kalibre 45 baril, at isang 9mm.
Kasama sa isinurrender ng biktima ang mahigit 100 mga bala at isang hand grenade.
Ayon sa biktima, ilan sa mga baril ay may lisensya ngunit paso na ito.
Bukod sa pagbabanta sa kanyang kinakasama ay may record na rin sa barangay si Villadelgado.
Depensa ng suspek, bugso lamang ng damdamin kaya niya nagawa ang panunutok ng baril.
Iginiit ni Villadelgado na ito ang unang beses na nangyari ito sa kanilang dalawa ng biktima.
Mahaharap si Villadelgado sa patung-patong na kasong paglabag sa illegal possession of firearms and ammunition, unlawful possession of explosives, at violence against women and children.