Kinailangan pa ang tulong ng isang wrecker para matanggal mula sa pagkakasampa ang isang SUV sa kahabaan ng Commonwealth Avenue northbound na sakop ng Barangay UP Campus sa Quezon City.
Ayon sa driver ng Isuzu DMax na si Raul Yabut, araw-araw niyang binabagtas ang Commonwealth Avenue ngunit ngayon lamang siya naaksidente sa lugar.
Giit ni Yabut, hindi siya nakatulog habang nagmamaneho at sadyang hindi niya lamang napansin ang mga harang.
Sinisi ng driver ang kawalan ng warning o reflector sa mga separator na isang traffic hazard lalo na kapag gabi at madilim.
Dagdag pa ni Yabut, dapat tanggalin na ang mga harang kagaya ng ginawa sa southbound lane ng Commonwealth.
Ayon naman sa mga nagbabantay sa lugar na Quezon City Anti-Crime Advocates, mahigit tatlong beses nang may naaaksidente sa lugar na dulot rin ng mga concrete separators.
Anila, nagsabi na sila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sila umanong naglagay ng mga harang para tanggalin na ito, ngunit hanggang ngayon ay naroon pa rin ang mga separator at nagdudulot ng mga aksidente.