Walong scalpers sa UAAP Finals kabilang ang dalawang pulis, arestado

Kuha ni Mark Makalalad

Arestado ang walong scalpers kasama na ang dalawang pulis makaraang magbenta ng mahal na ticket sa Game 3 ng Finals ng UAAP Season 80.

Alas-3:00 ng hapon ng Linggo, naaktuhan ng mga tauhan ng District Special Operational Unit ng Quezon City Police District ang walo na nagbebenta ng ticket sa laban ng Ateneo Blue Eagles at De La Salle Green Archers.

Ayon kay Senior Inspector Paterno Domondon, ang Patron seat na nagkakahalaga ng P450 ay nabebenta ng mga scalpers sa halaga na P6,000 habang ang Standing Room Only ticket naman na P350 ay nabebenta nila ng P1,500.

Paliwanag ng mga suspek, suma-side line lang sila kaya nila sinamantala ang pagakaktaon na kumita dahil alam nila na kahit anong mahal ng ticket ay papatusin ito ng mga die hard UAAP fan.

Hiyang-hiya naman ang dalawang pulis na sina SPO4 Rudy Bala at SPO4 Renaldo Frias sa kanilang ginawa at humingi ng paumanhin.

Itinanggi rin nila na may kasabwat sila sa loob kaya nila nagagawang pumakayaw ng ticket.

Mahaharap ang 8 sa paglabag sa City Ordinance 493 o anti-scalping na may pyansang P2,000.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...