Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, umaasa silang mas maraming miyembro ng NPA ang susuko pa sa mga susunod na araw.
Ito ang apela ng AFP lalo na’t tiniyak nilang magpapatuloy pa rin ang kanilang pinaigting na operasyon laban sa mga rebeldeng nagsasagawa ng karahasan at paninira laban sa mga komunidad.
Base sa impormasyon ng AFP, umabot na sa kabuuang 573 na rebelde ang sumuko sa mga pwersa ng pamahalaan mula nang kanselahin na nang tuluyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa National Democratic Front sa pamamagitan ng Proclamation 360.
Sa ngayon ay ikinukonsidera ni Arevalo na nakalalamang ang AFP dahil nasa 264 na rebelde na ang napatay o nasukol nila sa kanilang mga operasyon mula Pebrero hanggang Nobyembre.
Gayunman, ipinahayag naman niya na bukas pa rin silang tumanggap sa mga sumusukong rebelde kahit na mas pinaigting na nila ang mga operasyon laban sa NPA.
Samantala, malabo naman aniya na magkaroon pa ng tigil-putukan pagdating ng Kapaskuhan tulad ng nakagawian.