DOH, handa sa worst case scenario sa paggamit ng dengue vaccine
Nakahanda ang Department of Health (DOH) sa anumang “worst-case scenario” kaugnay ng babala ng isang pharmaceutical company na maaaring magdulot ng malalang dengue infection ang dengue vaccine na Dengvaxia na ipinagkaloob nila sa mahigit 733,000 mag-aaral sa bansa noong 2016.
Ayon kay Health spokesman at Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, noon pa mang magpasya sila na maging unang bansang gagamit ng Dengvaxia ang Pilipinas ay nakapagsagawa na rin naman sila ng mga kaukulang precautions o safety measures.
Sinabi ni Tayag na naging maingat ang pamahalaan na ipatupad lamang ang programa sa mga lugar kung saan maraming naitatalang kaso ng dengue.
Ibinigay rin lamang aniya nila ang bakuna sa mga batang siyam na taong gulang at pataas.
Siniguro rin niya na minu-monitor nila ang anumang posibleng hindi magandang epekto ng bakuna sa mga batang nabigyan nito.
Muli rin namang tiniyak ni Tayag na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa namang naiuulat na mas malalang impeksyon ng dengue sa mga batang nabigyan ng dengue vaccine, ngunit patuloy pa rin umano nilang tsini-check ang mga rekord ng mga pagamutan mula sa anumang malalang kaso ng dengue.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.