NoKor, nagdaos ng misa para sa matagumpay na missile test

AFP

Nagdaos ng misa ang North Korea bilang pagdiriwang sa kanilang matagumpay umanong long-range missile test.

Sa lathala ng Rodong Sinmun na isang state-run media sa North Korea, makikita sa unang pahina ang makulay na litrato ng libu-libong mga sundalo at mamamayan habang nagpapalakpakan sa Kim II-Sung square na pinalamutian ng malalaking litrato ng kanilang mga lider.

Noong Miyerkules ay muling naglunsad ng intercontinental ballistic missile (ICBM) ang Pyongyang.

Ayon kay North Korean supreme leader Kim Jong-Un, maaari na nilang ideklara na natamasa na nila ang ‘full nuclear statehood.’

Bilang sagot sa naturang pahayag, nagbabala ang Estados Unidos na mawawasak ang pamumuno ni Kim kung ipagpapatuloy nito ang paggawa ng nuclear missiles na nag-iimbita lamang ng giyera.

Bagaman wala si Kim sa misa, ay naroon naman si Pak Kwang-Ho na siyang Vice Chairman ng Workers’ Party of Korea.

Aniya, wala nang sinumang makakaharang sa kanilang soberanya.

Dagdag pa ni Pak, nagulantang ang Estados Unidos dahil sa patuloy na paglakas ng kanilang pwersang nuclear.

Pagpapatunay lang aniya ang ICBM Hwangsong-15 type weaponry system na ginamit nila noong Miyerkules na mayroong kakayahang tamaan ang buong mainland US.

Samantala, maraming mga analysts ang hindi kumbinsidong na-master na ng NoKor ang teknolohiya para matagumpay na makaatake sa pamamagitan ng missile.

Read more...