Comelec, naghahanap na ng bodega na paglalagyan ng mga OMR Machine

 

 

Inquirer file photo

Naghahanap na ang Commission on Elections o Comelec ng bagong warehouse para sa mga bagong Optical Mark Reader o OMR readers na gagamitin sa 2016 Polls.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ang bagong warehouse ay paglalagyan ng mga OMR ay bukod sa kasalukuyang Cabuyao, Laguna warehouse na nirerentahan ng komisyon para mga lumang Precinct Count Optical Scan o PCOS machines.

Hindi na raw kasi kakayanin na mailagak sa warehouse sa Cabuyao ang 93,977 OMRs na mula sa Smartmatic-TIM.

Kinumpirma ni Bautista na magsasagawa ang kanilang team ng ocular inspection sa tatlong ektaryang warehouse sa Clark, Pampanga.

Ani Bautista, mas gusto ng Comelec ang warehouse na nasa 100 kilometers ang layo mula sa Metro Manila.

Aabot naman sa 89 million pesos ang inilaan para sa pag-lease ng warehouse facility.

 

Read more...