UPDATED: Isang pulis napatay ng NPA sa isang ambush sa Camarines Norte

Photo by REY KENNETH ONING / Contributor

Patay ang isang pulis habang sugatan ang pitong iba pa sa isang ambush sa Camarines Norte.

Hinihinalang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang may gawa sa naturang ambush.

Ito ay isang araw matapos ipag-utos ng Communist Part of the Philippines (CPP) na pag-ibayuhin pa ng NPA ang pag-atake sa pwersa ng pamahalaan sa mga lalawigan.

Kinilala ang nasawi na si PO2 Richard Abad na miyebmro ng Camarines Norte Police Mobile Force.

Sina PO2 Ronald Gutierrez at Ericson De Vera, at PO1 Jeffrey Tarrobago, Pedro Valeros, Romar Umandap, Johnson España at Aguilar naman ang mga nasugatan sa ambush.

Ayon kay Bicol police spokesperson Senior Inspector Maria Luisa Calubaquib, hinarang ng mga rebelde ang dalawang police patrol car na dumaan sa Barangay Daguit mula sa bayan ng Labo papunta ng Camarines Norte kung saan nakatayo ang provincial police headquarters sa Camp Wenceslao Vinzons sa bayan ng Daet.

Dagdag pa ni Calubaquib, ipinagutos ni Chief Superintendent Antonio Gardiola Jr., hepe ng Bicol Police na ilagay sa high alert status ang lahat ng himpilan ng mga pulis sa rehiyon matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkansela sa peace talks.

Ayon naman kay Senior Superintendent Cerilo Trilles na siyang acting police provincial director ng Camarines Norte, nagsanib pwersa na ang pulis at militar para tugisin ang mga rebeldeng umatake sa convoy.

Read more...