Martial law sa Mindanao, nais palawigin dahil sa patuloy na recruitment ng ISIS

By Chona Yu, Kabie Aenlle December 02, 2017 - 04:35 AM

Nag-aalok ng aabot sa P100,000 ang ISIS-inspired na mga teroristang grupo sa mga residente sa Mindanao upang mahikayat ang mga ito na umanib sa kanilang pwersa.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Task Force Bangon Marawi chairman Eduardo del Rosario na hindi lang ito sa Marawi City nangyayari kundi maging sa mga kalapit na bayan.

Ayon naman kay Lanao del Sur Crisis Management Committee spokesman Zia Alonto Adiong, nakakatanggap sila ng mga ilang ulat mula sa ibang mga lugar tungkol sa malawakang recruitment na isinasagawa ng mga extremist groups.

Dahil dito, iminungkahi ni Del Rosario na palawigin pa ang martial law na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Paliwanag ni Del Rosario, mahalagang matiyak nila ang kaligtasan ng buong Mindanao at hindi lang sa Marawi City mula sa banta ng terorismo.

Naniniwala rin siya na kailangan ang seguridad mula sa pwersa ng pamahalaan lalo na sa kasagsagan ng rehabilitasyon ng Marawi City.

Oras kasi aniya na sumiklab na naman ang gulo, tiyak na magsisi-alisan lahat ng mga contractors at mga trabahador.

Iginiit naman ni Adiong na ilang beses na nilang binanggit na ang totoong krisis ay nararamdaman hindi sa kasagsagan ng digmaan kundi kapag ito ay natapos na.

Samantala, una na ring iminungkahi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagpapalawig ng martia law dahil sa dami ng banta ng terorismo at kidnapping sa Mindanao.

Mas kampante at ligtas aniya ang pakiramdam ng mga tao kung may mga sundalong rumoronda para tiyakin ang kaligtasan ng mga residente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.