Ex-LTO Chief Torres, bigong maipalabas sa Customs ang P100-M smuggled sugar mula sa Thailand

By Gina Salcedo September 20, 2015 - 08:39 AM

MUla sa inquirer.net

Tinangka ni dating Land Transportation Office Chief Virginia Torres na makipag-negosasyon para sa pagpapalabas mula sa Bureau of Customs ng 64 na containers na naglalaman ng Thai sugar na may halagang higit sa P100-milyong piso.

Si Torres ay nagpunta sa BOC-Intelligence Group nitong ika-20 ng Agosto para gawan ng paraan at makiusap sa pagpapalabas ng naturang kargamento.

Hinarang ng BOC ang naturang shipment dahil sa misdeclaration. Nakalagay sa shipment na general merchandise lamang ito ngunit asukal pala mula sa Thailand ang laman. Ayon sa BOC-IG, walang import permit sa Sugar Regulatory Board ang shipment na pag-aari ng isang Philip Sy.

Nanindigan ang BOC-IG na hindi maaaring mai-release ang mga kargamento dahil sa itinuturing itong smuggled goods.

Tinangka pa umanong gamitin ni Torres ang pangalan ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang pakikipag-usap sa tanggapan ng BOC-IG at nagpahiwatig pa na kailangan ang malaking pera para sa darating na eleksiyon.

Si Torres na taga Tarlac ay kilalang kaibigan ni Pangulong Aquino. Naging kontrobersyal ang dating LTO Chief dahil sa nakunan ito ng video na naglalaro sa casino na mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan .

Sa panayam ng Inquirer, inamin ni Torres na nagpunta nga siya sa BOC-IG para makiusap para sa shipment ng kaibigan niyang si Sy ngunit hindi umano niya alam na walang import permit ang tone-toneladang asukal mula sa Thailand.

Umalis si Torres sa tanggapan ng BOC-IG na bigo sa kanyang pakiusap.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.