Somali national, hinarang ng BI dahil sa paggamit ng pekeng travel documents
Pinigil ng mga Bureau of Immigration (BI) personnel ang isang Somali national na nagtangkang umalis patungong United Kingdom sa pamamagitan ng pagpapanggap na Swedish citizen at paggamit sa Manila bilang transit point.
Kinilala ni BI Commisioner Jaime Morente ang suspek na si Abdinajah Mohamoud Aden, 23-anyos na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 mula sa Dubai noong November 25.
Nabatid na pasakay na sana ito ng connecting flight sa London nang pigilan ito ng mga kagawad ng travel control and enforcement unit ng BI.
Hiningan ng Philippine Airlines ng dokumento si Aden pero sa halip na passport, mga swedish travel documents ang ipinakita nito kaya agad itong pinaghinalaan.
Mabilis namang binook sa sumunod na available flight ang Somali national pabalik sa pinagmulan nito.
Paliwanag ni Morente, sa ilalim ng batas, ang paggamit ng kahinahinalang travel documents ay isang dahilan para sa agarang expulsion sa bansa ng isang dayuhan.
Ang mga Somali ay itinuturing na high risk natl at ang mga citizen nito ay obligadong kumuha ng entry visa mula sa konsulada ng Pilipinas bago pumunta sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.