COMELEC, walang hawak na intelligence report na isasabotahe ng China ang eleksiyon sa Pilipinas

comelec logoNilinaw ni Commission on Elections Commissioner Arthur Lim na wala silang direktang hawak na intelligence report o analysis na isasabotahe ng China ang eleksiyon sa 2016.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lim na sa isang en banc meeting ng Comelec ay pinag-usapan ang usapin ng labanan sa teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at ng China sa West Philippine Sea at kung ano ang maaaring maging epekto nito sa eleksiyon sa susunod na taon.

“May arbitration case ang Pilipinas laban sa China at maaari itong pagpasyahan bago ang eleksiyon o sa panahon ng eleksiyon at hindi maiiwasang isaalang-alang ang seguridad at integridad ng mga makinang gagamitin sa halalan na sa orihinal na plano ay sa China gagawin o bubuuin,” paliwanag ni Lim.

Sa madaling salita ani Lim, nangamba ang mga commissioner ng Comelec na maaaring makompromiso ang paggawa ng mga makina para sa halalan sa susunod na taon. Ipinaabot na rin aniya sa Smartmatic ang kanilang pangamba.

Dito na nagpasaya ang Smartmatic na ilipat sa Taiwan ang manufacturing ng may 93,000 Optical Mark Readers o OMR.

Ani Lim, tiniyak ng Smartmatic na anumang pangamba na masasabotahe ang halalan sa Pilipinas ay mapapawi dahil sa may kapasidad din anilang gumawa ng katulad na OMR ang isang kumpanya sa Taiwan.

Bukod sa katiyakan sa seguridad ng gagawing OMRs, tiniyak din ng Smartmatic sa Comelec na on time ang delivery ng mga makina. Sa Oktubre ay inaasahang darating sa bansa ang unang batch ng mga OMRs sa bansa mula sa Taiwan. Isang team din ng mga opisyal ng Comelec ang nakatakdang magtungo sa Taiwan para tignan ang kundisyon ng mga ginagawang OMRs.

Nauna sa paglilinaw na ito, nagpalabas ng statement ang Chinese Embassy spokesperson na si Li Lingxiao na itinatanggi ang bintang na may planong manabotahe ang China sa eleksiyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga counting machines na gagawin sana sa China.

“The so-called ‘attempt by China’ to ‘sabotage’ the 2016 elections is totally groundless and a sheer fabrication,” ayon sa official statement ni Li.

Binigyang diin pa sa statement ng Chinese Embassy na hindi nakikialam ang kanilang bansa sa mga “internal affairs” ng ibang bansa. Ang kontrata anila ng counting machines ay sa pagitan ng Comelec at ng Smartmatic at walang pakialam ang pamahalaan ng China.

Read more...