Davao City at ilang lugar sa Mindanao guguluhin ng NPA ayon sa PNP
Inalerto ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa ang kanyang mga tauhan na mas maging alerto partikular na sa Mindanao region.
Sinabi ng opisyal na ang ilang mga pagsalakay sa Visayas at ilang lalawigan sa Luzon ay bahagi lamang ng isang diversionary tactics ng mga komunista.
Ipinaliwanag ni Dela Rosa na base sa kanilang mga nakuhang intelligence report ay kabilang ang Davao City sa ilang lugar sa Mindanao na target guluhin ng CPP-NPA.
Bagaman iilan na lamang ang mga kasapi ng komunistang grupo, sinabi ng hepe ng PNP na hindi pa rin sila dapat maging kampante dahil kilala ang mga NPA sa patraydor na mga uri ng pagsalakay.
Nauna nang sinabi ng pangulo na dapat mas maging handa ang mga sundalo at pulisya sa mga panggugulo ng CPP-NPA lalo’t ibinasura na niya ang peace talk sa rebeldeng grupo.
Tinawag rin ng pangulo na isang teroristang grupo ang CPP-NPA dahil sa kanilang ginagawang pag-atake sa ilang mga negosyo at sibilyan lalo na sa mga lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.