Bonifacio Day, sabay-sabay na ginunita sa mga monumento ni Andres Bonifacio sa Metro Manila
Nagkaroon ng magkakahiwalay na selebrasyon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ngayong ika-154 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.
Sa Monumento Circle sa Caloocan, pinangunahan ni Vice President Leni Robredo at Defense Sec. Delfin Lorenzana ang selebrasyon.
Ginawaran muna ng gun salute ang monumento ni Bonifacio at inalayan ito ng bulaklak.
Matapos ito ay pinangunahan nina Robredo, Lorenzana at Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang flag-raising ceremony.
Sa Bonifacio Shrine naman sa Maynila malapit lamang sa Manila City Hall, inalayan din ng bulaklak ang monument ng tinaguriang “Ama ng Katipunan”.
Kabilang sa nagsagawa ng wreath-laying ay ang mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at mga opisyal mula sa Manila City government.
Hindi naman nakadalo sa selebrasyon si Manila Mayor Joseph Estrada dahil nagkataon na mayroon itong schedule ng therapy sa kaniyang bewang.
Sa Tutuban sa Maynila, may mga kinatawan din ng NHCP, Manila government at Tutuban Properties Inc., na nag-alay ng bulaklak at nagsagawa ng maiksing aktibidad sa monumento ni Bonifacio.
Sa Taguig City naman, nagsagawa din ng pag-aalay ng bulaklak ang mga tauhan ng Taguig Police, at mga opisyal mula sa Taguig City government sa Bonifacio Global City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.