Imbestigasyon sa Tondo anti-drug raid na ikinamatay ng 3 katao, sinimulan na ng PNP-IAS

 

Inquirer file photo

Inumpisahan na ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kanilang motu propio investigation sa umano’y walang kalaban-laban na pagpatay ng isang grupo ng mga pulis mula Manila Police District sa tatlo katao sa drug raid sa Tondo, Maynila noong nakaraang buwan.

Ang kuwestyunableng operasyon ng mga tauhan ng MPD Station 2 ay iniulat ng Reuters na sinamahan pa ng mga video clip mula sa mga cctv na nasa lugar ng operasyon.

Nais matukoy ng PNP-IAS kung nagkaroon ng paglabag sa rules of engagement at paglabag sa karapatang-pantao ng mga biktima ang mga alagad ng batas.

Bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon, humihingi ng kopya ng ‘raw video’ ang PNP-IAS mula sa Reuters.

Sakaling lumabas sa pagigiyasat na nagkaroon ng iregularidad sa naturang anti-drug operation ay posibleng magresulta ito upang matanggal sa serbisyo ng mga nasasangkot na alagad ng batas.

Matatandaang sa naturang operasyon ng MPD Station 2 sa Sta. Barbara St., Tondo noong October 11, 2017, makikitang pinalalayo ng mga pulis sa area ang mga tao.

Matapos ito, sunud-sunod na putok na ang umalingawngaw sa lugar.

Sa kasagsagan ng operasyon, 3 katao ang nabaril ng mga pulis matapos umanong manlaban ang mga ito.

Gayunman nahuli rin sa footage ang pag-pihit ng isa sa mga pulis sa isang cctv upang hindi makuhanan ng video ang mga kaganapan sa lugar sa kasagsagan ng operasyon.

Read more...