Odd-even scheme, balak isulong ng MMDA

Sa kabila ng posibilidad na muli na naman silang ulanin ng batikos, desperado na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na subukan ang lahat ng paraan para mabawasan ang sasakyan sa EDSA upang mapagaan kahit paano ang daloy ng trapiko.

Ayon kay MMDA assistant general manager for planning Jojo Garcia, balak nilang ipatupad ang “odd-even scheme” o ang dalawang araw na coding scheme sa EDSA.

Paliwanag ni Garcia, ipipresenta pa lang nila ang plano sa mga alkalde ng Metro Manila sa kanilang pagpupulong sa December 5.

Muling lumutang aniya ang panukalang traffic scheme na ito matapos makapulong ng MMDA ang ilang mga mambabatas sa pagdinig sa Kamara.

Ani pa Garcia, batid ng mga mambabatas ang ugat ng problema ng trapiko sa EDSA at ito ay ang dami ng mga sasakyan.

Sumang-ayon naman aniya si MMDA chairman Danilo Lim na subukan ang mga iminungkahing traffic scheme ng mga mambabatas.

Samantala, sinabi na noon ng mga Metro Manila mayors na dapat pag-aralang maigi ng MMDA ang naturang panukala bago ito ipatupad nang tuluyan.

Read more...