Naniniwala si Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza na mayroong basehan ang pagpapatupad ng temporary restraining order (TRO) sa “Oplan Tokhang,” o ang pangangatok ng mga pulis sa mga bahay-bahay para kumbinsehin ang mga drug suspects na sumuko.
Isinagawa kahapon ng Korte Suprema ang oral arguments tungkol sa petisyon na ipawalang bisa ang Command Memorandum Circular (CMC) 16-2016 ng Philippine National Police (PNP) kung saan bahagi ang Oplan Tokhang sa ilalim ng Oplan Double Barrel.
Sa interpelasyon, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na sumasalamin sa “bayanihan spirit” ang ginagawang pangangatok sa mga bahay-bahay dahil kailangang samahan ng mga opisyal ng barangay ang mga pulis.
Gayunman, sinabi ni Jardeleza na ang ganitong hakbang ng pulis ay maikukonsiderang pamimilit dahil nasa lima hanggang 10 pulis ang kadalasang nangangatok sa bahay ng suspek.
Sa ganitong paraan aniya, nagmimistulang nailipat na ang presinto sa lugar na kanilang pinupuntahan.
Paliwanag pa ni Jardeleza, sa pangangatok ng mga pulis ay parang inimbitahan na nila ang kanilang sarili sa tahanan ng mga suspek, na isang malinaw na paglabag sa depinisyon ng custodial investigation.
Giit niya, kung hindi maimbitahan ng mga pulis ang suspek sa kanilang himpilan, mas hindi nila dapat kumbidahin ang kanilang mga sarili sa bahay nito.
Dagdag pa ni Jardeleza, ang pagpapatupad ng Tokhang ay lumalabag sa R.A. 7438 na nagsasaad sa mga karapatan ng mga taong naaresto o naditine, o kaya mga taong nasa ilalim ng custodial investigation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.