Inaprubahan na ng Senado ang panukala na doblehin pa ang buwis na sisiningilin sa mga kumpanya ng pagmimina lalo na ang mga umaabuso sa kalikasan.
Sampung Senador ang pumabor sa mosyon nina Senate President Pro tempore Ralph Recto at Senador Francis Escudero na itaas sa mahigit sa 3000-percent ang coal taxes simula sa susunod na taon.
Nangangahulugan ito na tataas sa P300 mula sa kasalukuyang P10 ang buwis sa bawat isang metriko tonelada ng coal hanggang sa taong 2020.
Bago maaprubahan ang mosyon, nagkaroon pa ng mainitang pagtatalo ang mga senador matapos na igiit ni Senador Sonny Angara, Chairman ng Ways and Means Committee na hindi ito kabilang sa tax reform bill.
Pero hindi pumayag si Escudero at iginiit na maraming itataas na buwis sa ilalim ng TRAIN o Tax Reform for Acceleration & Inclusion na hindi rin naman naikonsulta sa publiko.
Kabilang na rito ang dagdag na buwis sa produktong petrolyo at mga sugar sweetened beverages.