Naghahanda na ang grupong PISTON para sa ikakasa na namang dalawang araw ng tigil-pasada sa susunod na linggo.
Ayon kay George San Mateo, national president ng PISTON, sa December 4 at 5 ang susunod nilang transport strike bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa jeepney modernization program ng pamahalaan.
Sa January 1, 2018 na kasi aniya plano ng gobyerno na ipatupad ang phase out sa mga jeep na hindi makakapasa sa vehicle inspection test.
Iginigiit ng PISTON na ang modernization program ay pronta lamang para maibenta ang Euro 4-compliant at electric-powered vehicles sa mga tsuper at operator ng jeep.
Noong nakaraang Oktubre, nagsagawa din ng dalawang araw na tigil-pasada ang PISTON.
Dahil dito, nagdeklara ang Malakanyang ng suspensyon ng klase at suspensyon ng pasok sa gobyerno sa buong bansa.