Mananatiling maganda ang panahon sa bansa sa mga susunod na araw at walang bagyo na inaasahang papasok o lalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang sa matapos ang buwan ng Nobyembre.
Ayon kay PAGASA forecaster Obet Badrina, walang sama ng panahon na namamataan papalapit ng PAR.
Sa ngayong, tanging Northeast Monsoon o Amihan at ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang mga weather system na naka-aapekto sa bansa.
Sa weather forecast ng PAGASA, dahil sa ITCZ, ang CARAGA at Davao Region ay makararanas ngayong araw ng maulap na papawirin na mayroong kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms.
Ang Ilocos Region naman, Cordillera Administrative Region at ang Cagayan Valley ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na mayroong isolated na mahinang pag-ulan dahil naman sa Amihan.
Sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng bansa makararanas lamang ng isolated na pag-ulan.