Ayon kay PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa, gagawin nila ito nang paspasan pero mag-iingat na sila dahil marami na silang leksyon na natutunan mula sa dati nilang pangunguna sa war on drugs.
Kasabay nito ay nangako rin si Dela Rosa na hindi na mauulit ang mga nauna na nilang pagkakamali, at na umaasa silang wala na silang kakaharaping problema kung ibalik man ulit sila sa frontline ng kampanya kontra droga.
Para matiyak ang “transparency” sa mga ikakasang operasyon ng mga pulis, nanawagan si Dela Rosa sa mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan na bigyan ang kanilang mga tauhan ng body cameras.
Ani Dela Rosa, hindi nila hahayaang sumabak nang basta-basta sa mga operasyon ang mga pulis na walang suot na body cameras na maaring makapagpatunay sa mga mangyayari.
Matatandaang inialis ni Pangulong Duterte ang PNP sa war on drugs dahil sa mga kontrobersya at pambabatikos na tinamasa nito, kaya muli niyang sinabak sa frontline ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Gayunman, nagpahiwatig ang pangulo kamakailan na nais niyang ibalik na muli sa PNP ang pamumuno sa kampanya.