Karapatang magtalaga ng prosecutors, hinihingi ni Aguirre sa Palasyo
Ibinunyag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na umapela na siya sa Malacañang na bigyan ang kaniyang kagawaran ng kapangyarihan na makapag-talaga ng mga prosecutors.
Ayon kay Aguirre, makakatulong ito sa Department of Justice (DOJ) na masolusyunan ang kanilang problema sa kakulangan ng mga prosecutors.
Kwento ng kalihim, sa huli nilang pagpupulong, hiniling niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay na sa kaniya ang kapangyarihan ng pagtatalaga ng mga prosecutors.
Sa ngayon ay ginagawan na aniya ng paraan ng Office of the President na mapabilis ang pagtatalaga ng mga prosecutors, gayunman, dahil sa dami ng ginagawa ng opisina ay patuloy itong naaantala.
Samantala, aminado naman siya na maaring kailanganing amyendahan ang National Prosecution Service law dahil sa kaniyang apela upang maibigay sa DOJ ang nasabing kapangyarihan.
Una nang sinabi ni Aguirre na nasa higit 500 na prosecutors pa ang kailangan para mapunan ang backlog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.