Mass evacuation ipinatupad dahil sa Mt. Agung eruption sa Indonesia

By Kabie Aenlle November 28, 2017 - 01:56 AM

 

AP photo

Nagsagawa na ng mass evacuation sa mas pinalawak na danger zone sa paligid ng patuloy na pumuputok na Mt. Agung sa Bali, Indonesia.

Dahil rin sa pagsabog ng nasabing bulkan, napilitang isara ang international airport sa Bali dahilan para ma-stranded ang libu-libong mga biyahero.

Nagbubuga na ng abo ang Mt. Agung na aabot sa 3,000 metro o 9,800 na talampakan sa himpapawid mula pa nitong weekend, habang ang lava nito ay umaapaw na sa crater.

Dinig na dinig naman ang pagsabog sa mga lugar na aabot sa 12 kilometro ang layo.

Lunes pa lang ng umaga ay itinaas na ang pinakamataas na alert level at pinalawak na hanggang sa 10 kilometro ang danger zone sa paligid ng bulkan dahil inaasahang may mas malaking pagsabog pa na mangyayari.

Ayon kay spokesman Sutopo Purwo Nugroho, aabot sa 40,000 na katao na ang lumikas pero ang iba ay ayaw pang lumisan sa kanilang mga tahanan dahil pakiramdam nila ay ligtas pa sila at ang iba naman ay nababahala para sa kanilang mga alagang hayop.

Gayunman, susuyurin aniya ng mga otoridad ang lahat ng 22 na village na nasakop ng danger zone at hihikayatin ang mga pamilya na umalis na upang makaiwas sa kapahamakan.

Sakaling kailanganin, sapilitan na aniya nilang ililikas ang mga ito.

Umabot naman sa 445 na flights ang nakansela mula kahapon sa Bali international airport dahil lubhang delikado para sa mga eroplano ang pag-biyahe kung naglalabas ng abo ang bulkan.

Inaasahang mamayang umaga ay mabubukas na muli ang paliparan, pero tiniyak naman ng airport officials na nire-review nila ang sitwasyon kada anim na oras.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.