Naninindigan si Mohagher Iqbal, head peace negotiator ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa resulta ng kanilang imbistigasyon sa Mamasapano operation ngunit binigyang diin nito na iginagalang nila ang resulta ng official version ng mga pangyayari na isinagawa ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police-Board of Inquiry.
“Para sa amin, ang isinagawang opisyal ng MILF Special Investigative Commission ay opisyal din para sa amin at para sa amin iyon ang totoo, pero panahon na para mag move on sa usapin, ilibing na natin ito at magpatuloy na tayo” ani Iqbal sa kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 na tropa ng Special Action Forces ng PNP.
Ang totoo ani Iqbal, hindi lamang dalawang version ng katotohanan sa Mamasapano operation. May version aniya ang Board of Inquiry, ang National Bureau of Investigation, ang Department of Justice, ang International Monitoring Team. Bahala na aniya ang taumbayan na mag-pasya kung ano ang sa tingin nila ay pinakamalapit sa katotohanan ngunit para sa MILF, tinutuldukan na rin nila ang usaping ito.
Ang paglutang ng ibang version sa Mamasapano operation ay nagmula kay Pangulong Benigno Aquino III na siyang unang nag-boluntaryo ng posibilidad na ito sa multi-platform media forum ng Inquirer noong isang linggo. Ang pangulo na rin ang nagtuldok sa usapin sa pagsasabing ang PNP-SAF nga ang nakapatay kay Zulkifli bin Hir alias Marwan.
Si Iqbal ay dumalo sa forum ng Foreign Correspondents Association sa Mandaluyong at doon kasama ni Presidential Peace Adviser on the Peace Process Secretart Teresita Deles ay binigyang katwiran nila ang pangangailangan na maipasa na ang Bangsamoro Basis Law o BBL.
Kapwa inamin nina Deles at Iqbal na dumadaan sa mahirap na kalsada ng pagsubok ngayon ang BBL ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa na maisasabatas ito bago bumaba sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III sa Hunyo ng susunod na taon.