Rep. Umali aminadong hindi basta maaring humarap sa Kamara ang mga Mahistrado
Posibleng may malabag na ‘internal rule’ si Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro o ang sinumang Mahistrado kung haharap ito at magbibigay ng testimonya laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Kamara.
Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, ito ay kung hindi kukuha muna ng kaukulang pagsang-ayon o ‘go signal’ ang mga Mahistrado sa Korte Suprema bago humarap sa impeachment hearing.
Naniniwala rin si Umali, na siyang House justice committee chair, na malabong humarap agad sa pagdinig ang sinuman sa mga Mahistrado ngayong araw ng Lunes.
Ito ay dahil kinakailangan munang kumuha ng clearance ang mga ito sa Korte.
Ngayong araw sana iniimbitahan ng house justice committee ni Umali si De Castro bilang bahagi ng pagdinig sa impeachment complaint ni Atty. Larry Gadon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa nakaraang hearing noong Miyerkules, tinukoy ni Gadon si De Castro bilang ‘source’ ng confidential information na ibinigay umano sa kanya ng isang mamamahayag kaugnay sa pakiki-alam umano ni Sereno sa isang temporary restraining order na inisyu ng Korte Suprema.
Gayunman, mariin na itong itinanggi ni Justice De Castro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.