Magdaraos ng magkakahiwalay na rally ang iba’t ibang grupo sa November 30, Bonifacio Day.
Ito ay bilang pagsuporta at maging pagtutol sa umano’y planong pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “revolutionary government.”
Ayon sa isang security official na tumangging pangalanan ay isasagawa ng mga Pro-Duterte ang isang pagtitipon sa may Don Chino Roces Bridge malapit sa Malacañang.
Dadaluhan anya ito ng 300,000 na taga-suporta ng pangulo upang himukin itong ideklara ang rebolusyonaryong pamahalaan.
Isasagawa rin ang isang rally sa Davao City kung saan ang isa sa mga mamumuno ay kaibigan at tagasuporta ni Duterte na si Philip Dizon.
Ani Dizon, matagal nang ikinokonsidera ng pangulo ang maaaring maging benepisyo ng ‘revolutionary government’ kahit pa noong naninilbihan pa lang itong alkalde ng Davao City.
Hinimok pa ni Dizon ang pangulo na dumalo sa kanilang isasagawang pagtitipon at iginiit na sawa na sila sa tradisyunal at maruming pamamahala.
Samantala, hindi naman magpapahuli ang mga militanteng grupo sa pag-oorganisa rin ng nationwide rallies sa kaparehong araw.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Kilusang Mayo Uno (KMU) libu-lubong mga manggagawa at mga mamamayan sa iba’t ibang sektor ang magtitipon-tipon sa Liwasang Bonifacio at magmamartsa patungong Mendiola.
Bilang pag-alala sa rebolusyon ni Bonifacio ay lalaban anya sila para sa totoong kalayaan at demokrasya.
Ayon kay Teddy Casino ng Bayan, ang mga pagkilos ng administrasyon laban kay Chief Justice Sereno, sa Ombudsman, pagpapalakas sa mga operasyon ng militar at pagsira sa oposisyon ay malinaw na tanda ng diktadurya.