Indie-actor, arestado dahil sa panggugulpi sa loob ng supermarket sa San Mateo, Rizal
Arestado ang isang indie actor matapos nitong gulpihin ang isang lalaki sa loob ng supermarket sa San Mateo, Rizal.
Kinilala ang suspek na si Eugene Kiro Tejada.
Ayon sa San Mateo Police, binugbog ni Tejada si Frenil Bautista na isang administrative supervisor dahil sa pagsandal nito sa live-in partner ni Tejada na si Mary Jana Malilin.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, diabetic at hypertensive si Bautista na posibleng nahilo habang ito ay nasa supermarket, dahilan para aksidenteng masandalan nito si Malilin na una namang naghain ng kasong acts of lasciviousness laban dito.
Nagalit si Tejada dahil sa inakalang panghihipo ni Bautista sa kanyang live-in partner, dahilan para bugbugin niya ito sa loob ng CR ng supermarket.
Ayon kay SPO1 Wilmer Privado, batay sa mga natamong sugat ni Bautista, posibleng inuntog ang ulo nito.
Nang dalhin sa himpilan ng mga otoridad ang biktima, duguan na ito at hindi na makapagsalita o makapagsulat. Kaya naman agarang dinala si Bautista sa Marikina Valley Medical Center kung saan ito na-comatose.
Biyernes nang bawian ng buhay si Bautista matapos itong sumailalim sa brain surgery.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.