Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga syudad sa Metro Manila na sumunod sa kasunduan na nagsusulong ng impormasyon laban sa paninigarilyo o paggamit ng tobacco products.
Sinabihan ng MMDA ang 17 lungsod sa Metro Manila na sumunod sa World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control na ginawa bilang tugon sa epidemya ng paninigarilyo sa buong mundo.
Kinakatigan din ng naturang WHO framework ang karapatan ng lahat ng tao na magkaroon ng maayos na kalusugan.
Sa smoke-free forum ay pinuri ni MMDA chairman Danilo Lim ang hakbang ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na sumusuporta sa kampanya kontra paninigarilyo at ang pagkakaroon ng mas malinis na hangin.
Tinalakay sa forum ang mga epektibong ordinansa para protektahan ang kalusugan ng publiko at ang mga istratehiya para sa public awareness and compliance.
Ipinatupad ng MMDA ang “no smoking in public places policy” at nagbibigay ito ng technical support sa local government units ukol sa polisiya, communication strategies at compliance monitoring. /