Ito ay kasunod ng muling paghimok ng tatlong UN rapporteurs na sina Agnes Callamard, Michel Forst at Diego Garcia-Sayan sa gobyerno na imbestigahan ang kabi-kabilang patayan sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi papayagan ng pamahalaan ang patuloy na pag-iimbento ng kasinungalingan ng mga anya’y “biased” na human rights experts.
Iginiit ni Roque na na hindi kinukunsinte ng administrasyong Duterte ang extrajudicial at vigilante killings at kainlanma’y hindi ito papayagan.
Mariin anyang tinututulan ng pamahalaan ang joint statement ng tatlong opisyal na nagtataglay ng mga negatibong komento tungkol sa bansa sa kabila ng paliwanag ng gobyerno ng Pilipinas.
Ipinagmalaki ni Roque ang naging kapalaran ng Caloocan Police na pinanagot ng gobyerno dahil sa mga kinasadlakang kontrobersiya.
Anya, patunay lamang ito na ang gobyerno ay nag-iimbestiga at nagpaparusa sa mga mapang-abusong alagad ng batas dahil trabaho nito na protektahan at itaguyod ang karapatang pantao.