Ayon kay NDFP chief negotiator Fidel Agcaoili, maikukonsidera lamang na kanselado ang peace negotiations 30 araw matapos nilang matanggap ang written notice of termination mula sa gobyerno.
Bukod pa ito sa nilagdaang Proclamation No. 360 ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nakasaad na winawakasan na ng pamahalaan ang usaping pangkapayapaan sa mga komunistang rebelde.
Paliwanag pa niya, may mga kasunduang sinusunod ang peace negotiations ng GRP at NDFP, kaya inaasahan nilang maipapadala na agad sa kanila ang written notice of termination ngayong nailathala na ang Proclamation No. 360.
Samantala, sinabi ni Agcaoili na naging “stressful” ang peace talks para sa lahat ng kasama sa negosasyon dahil sa mga outbursts ni Pangulong Duterte.
Sa nagdaang taon aniya ay tatlong beses na sinuspinde ni Duterte ang peace talks.
Pinaalalahanan naman ni Agcaoili si Duterte na walang sinumang makapamamahala sa isang bansa gamit ang “Mafia-style” kung saan inaangkin bilang teritoryo ang bansa at nililigwak lahat ng uri ng oposisyon.
Maliban dito, ipinaalala rin ni Agcaoili ang umiiral na Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) matapos ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapaaresto sa mga consultants ng NDFP.
Giit niya, dapat manatili pa rin ang epekto at pagpapairal ng JASIG kahit na tuluyan at opisyal na talagang ma-terminate ang peace negotiations.