Coke, tinapos ang partnership sa bandang Jensen and the Flips, dahil sa isyu ng sexual harassment
Matapos masangkot sa secual harassment issue ang mga miyembro ng bandang “Jensen and the Flips” sunud-sunod na ang pagbawi ng suporta sa grupo.
Kamakailan inalis ang grupo sa line-up ng isasagawang concert na “The Rest is Noise Year-End” at maging sa line-up ng “Maskipaps” music festival.
Sa inilabas na statemeng ng Coca-Cola Philippines, tinapos na nito ang partnership sa nasabing local band.
Ang Jensen and the Flips ay kabilang sa featured artists sa “Coke Studio Philippines,” – isang weekly television series na nagsisilbing musical platform para sa promosyon ng Original Pilipino Music (OPM).
Sa pahayag ng Coke, dahil sa mga alegasyon na kinasasangkutan ng grupo, nagdesisyon silang i-terminate na ang partnership sa bandang Jensen and the Flips.
Sinabi ng Coca-Cola na ang kanilang kumpanya ay committed sa pagrespeto sa mga kababaihan hindi lang sa kanilang workplace kundi maging sa kanilang mga proyekto at kampanya.
Katunayan, binuo umano ang Coke Studio Philippines para magsilbing inspirasyon sa mga kabataan at magbigay ng aral para sa pagkakaroon ng respeto at dignidad sa pamamagitan ng mga awiting Pilipino.
Ang Jensen and the Flips ay kabilang sa ilang banda na nabanggit sa kontrobersyal na Twitter thread kamakailan na ipinost ng isang babaeng netizen.
Sa post, inakusahan ng babae ang gitarista at backup vocalist ng banda na si Samuel Valenia ng sexual misconduct.
Kabilang din sa binanggit sa thread ang iba pang grupo gaya ng “Ang Bandang Shirley”, “Sud”, “MilesExperience” at “Paranoid City”.
Humingi naman na ng paumanhin ang banda sa pamamagitan ng kanilang Facebook page at bagaman walang direktang pag-amin, sinabi nitong titiyakin nilang hindi na mauulit ang sitwasyon at sisikapin nilang maging mas mabuting indibidwal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.