Human rights groups, nangangamba sa muling pagdanak ng dugo
Nangangamba ang ilang human rights groups sa posibilidad ng pagtaas muli ng mga kaso ng pagpatay sa oras na bumalik na sa kamay ng Philippine National Police ang pangunguna sa anti-drug campaign ng pamahalaan.
Matatandaang nitong nakaraang Miyerkules, sinabi ng pangulo na kanyang ibabalik sa PNP ang kapangyarihang magsagawa ng anti-drug operations matapos itong tanggalin sa mga pulis noong nakaraang buwan.
Ayon kay Phelim Kine, Deputy Asia Director ng Human Rights Watch, dapat maghanda na ang publiko sa pagdanak muli ng dugo sa oras na hawakan ng PNP ang kampanya kontra droga.
Ayon naman kay James Gomez, Director for Southeast Asia and the Pacific ng Amnesty International, magbabalik ang gabi-gabing patayan sa mga lansangan sa oras na simulant nang muli ng PNP ang operasyon ang PNP.
Dahil sa pangambang ito, mas lalo aniyang makikita ang kahalagahan na magkaroon na ng isang international investigation sa mga kaso ng patayan sa bansa na dapat na pangunahan ng United Nations.
Ayon pa sa HRW at sa AI, sa halip na gawing madugo ang kampanya kontra droga, dapat ay unahin ang paghahanap ng paraan upang magamot ang mga nalululong sa ipinagbabawal na gamot at maibsan ang kahirapan ng mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.