Sa inilabas na pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, inatasan ni Pangulong Duterte ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ang Panel for Peace Talks ng pamahalaan na kanselahin na ang lahat ng mga nakatakdang pakikipagpulong sa NDF-CPP-NPA.
Ayon kay Roque, ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para sa pagsusulong ng final peace agreement sa mga komunistang rebelde, ngunit patuloy pa rin ang mga ito sa panggugulo at paggawa ng karahasan.
Nakalulungkot pa ayon kay Roque na nabigo ang mga miyembro ng NDF-CPP-NPA na magpakita ng “sincerity and commitment” sa pagsusulong ng tunay na kapayapaan at makabuluhang negosasyon.
Tiniyak naman ng tagapagsalita na patuloy na ninanais ng pangulo ang makapag-iwan ng legacy of peace sa kaniyang administrasyon.
Patuloy din aniyang ipagdarasal ng pangulo na nawa’y makamit na ng bansa ang kapayapaan na matagal nang hinihiling ng mga mamamayan.