U.N rapporteur Callamard pinayuhan na huwag pumunta sa Pilipinas
Hindi dapat pumunta sa Pilipinas si United Nations rapporteur Agnes Callamard nang walang imbitasyon.
Ito ang payo ni Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay ng mga katanungan ukol sa huling pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Callamard.
Ayon kay Roque, ipinahayag ni Duterte ang “greatest displeasure” kay Callamard nang bumisita ito sa bansa noong Mayo gayong nasa ilalim pa ng negosasyon ang kanyang opisyal na pagbisita sa Pilipinas.
Si Callamard ay bumisita sa bansa noong Mayo matapos paanyayahan ng Free Legal Assistance Group (FLAG) para magsalita sa isang forum sa University of the Philippines.
Matatandaang kamakailan, sinabi ni Duterte na sasampalin niya ang UN special rapporteur kapag inimbestigahan nito ang giyera ng administrasyon kontra droga.
Kaugnay nito, sinabi ni Roque na dapat seryosohin ngunit hindi dapat literal ang interpretasyon sa mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.