Isang oras na tumagal ang biyahe ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang ito ay sumakay sa MRT-3 at sa LRT line 1 para pumasok sa Malakanyang.
Mula sa MRT North Avenue station, pumila ng labinglimang minuto si Roque bago tuluyang makasakay sa tren.
Habang nasa biyahe, nakikipag-usap si Roque sa mga pasahero at inaalam ang karanasan ng mga ito sa araw-araw na pagsakay sa tren.
Pagsapit na sa Ortigas station nagkaroon ng pagkakataon na makaupo si Roque.
Wala namang naranasang aberya ang opisyal sa biyahe niya sa MRT hanggang sa makarating ng Taft Avenue station.
Pagdating sa Taft, sumakay naman si Roque sa LRT line 1 hanggang sa Central Station.
Aniya, mas maluwag ang naging karanasan niya sa pagbiyahe sa LRT line 1 dahil hindi masyadong siksikan ang mga pasahero at wala ding pila.
Ipararating ni Roque kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang naging karanasan gayundin ang mga hinaing ng mga pasaherong kaniyang nakausap.