Wala pang nahahatulan kahit isa sa 197 akusado sa Maguindanao massacre-SC

By Kabie Aenlle November 23, 2017 - 03:00 AM

 

Inquirer file photo

Walong taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang malagim na Maguindanao massacre ngunit nananatiling mailap ang hustisya sa 58 na biktima, na karamihan ay pawang mga mamamahayag.

Base sa inilabas na case update ng Supreme Court Public Information Office, wala pang ni isang nahahatulan sa 197 na akusado sa nasabing masaker, at 103 sa mga ito ay nasa ilalim pa rin ng paglilitis.

Sa 197 na akusado, 115 pa lamang ang naaresto at 15 sa mga ito ay may mga apelyidong Ampatuan.

Isa sa mga akusado ay napalaya dahil sa kakulangan ng probable cause, isa ang inialis mula sa amended information, dalawa ang ginawang state witness, habang apat naman sa kanila kabilang na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. ay namatay na habang nakakulong.

Hanggang November 21, umabot na sa kabuuang 273 na witness ang nakuhanan ng testimonya ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 kung saan 166 sa mga ito ay pawang mga prosecution witnesses habang ang 107 naman ay mula sa defense.

Samantala, nasa tatlong final stages naman na ang mga kaso laban sa akusado na pinangungunahan ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.

Tatlumpu’t isa sa mga akusado ang natapos na sa presentation of evidence habang 34 na iba pang akusado ang patuloy pang nagpi-presenta ng kanilang mga defense evidence-in-chief.

Samantala, una nang nangako si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na pabibilisin na ang pagbibigay hustisya hindi lang sa kaso ng Maguindanao massacre, kundi maging sa iba pang mga nakabinbin na kaso.

Nangyari ang Maguindanao massacre noong November 23, 2009 kung saan 58 ang nasawi kabilang ang 32 na mamamahayag na sumama sa paghahain ng misis ni dating Buluan Mayor Toto Mangudadatu ng certificate of candidacy ng kaniyang mister na kakalaban kay Andal Ampatuan Jr. para sa halalan noong 2010.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.