NCRPO sa desisyon na ibalik sa PNP ang anti-drug campaign: ‘Challenge accepted’
Challenge accepted.
Ito ang pahayag ni National Capital Region Police Office chief, Director Oscar Albayalde sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa pangunguna ng PNP ang kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Sa isang text message na tinanggap ng Inquirer, sinabi ni Albayalde na ‘welcome’ sa kanilang hanay ang nasabing direktiba.
Aminado rin si Albayalde na biglang tumaas ang mga insidente ng kriminalidad sa mga lansangan matapos alisin sa PNP ang illegal drug campaign.
Partikular aniyang tumaas ang mga kaso ng rape with homicide kung saan ang mga pasimuno umano ay mga kriminal na lulong sa droga.
Batay rin aniya sa kanilang mga tinanggap na mga ulat mula sa mga lokal na barangay, muling namayagpag rin ang mga tulak ng ipinagbabawal na gamot nitong nakaraang buwan.
Upang matiyak aniya na magiging epektibo ang kanilang kampanya, tinitiyak ni Albayalde na uunahin muna ng NCRPO ang pagpapatuloy ng ‘internal cleansing’ sa kanilang hanay upang maalis ang mga bulok o ‘scalawag cops’.
Matatandaang noong Oktubre, inalis ni Pangulong Duterte sa kamay ng PNP ang anti-drug campaign matapos mabatikos dahil sa dami ng mga alegasyon ng human rights violations ng mga pulis.
Kahapon, sa isang talumpati sa Nueva Ecija, sinabi ng pangulo na ibabalik niya sa PNP kalaunan ang kampanya kontra droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.