Itinanggi Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro ang sinasabing papel niya sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay makaraang sabihin ni Atty. Larry Gadon sa pagdinig ng House Justice Commitee sa impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado na nakuha niya ang mga impormasyon na ginamit niya sa kanyang reklamo mula kay Justice de Castro base sa kuwento sa kanya ng reporter ng Manila Times na si Jomar Canlas.
Sa isang maikling pahayag kila sa Public Information Office ng Korte Suprema, sinabi ni de Castro na na hindi siya kailanman nagbigay ng anumang impormasyon, dokumento o ulat kay Canlas na may kaugnayan sa trabaho sa Supreme Court.
Sa pagdinig ng House Justice Committee sinabi ni Gadon na si de Castro ang source ng internal memo ng SC kay Canlas tungkol sa iregularidad sa loob ng Mataas na Hukuman.
Kanina ay sinabi ng komite na kanilang ipatatawag si Canlas para kunin ang kanyang panig at inimbitahan rin sa susunod na impeachment hearing ang mga mahistrado ng Supreme Court.